MANILA, Philippines — Dahilan umano sa paglabag sa vape law na naglalayong protektahan ang mga menor de edad, pinatatanggalan na ng business permit at manufacturing license ng panel ng Kamara ang Flava Corporation.
Base sa Committee report na inaprubahan kamakalawa ng House panel na sinimulan ang imbestigasyon noong huling bahagi ng nakalipas na taon, ang Flava ay nasangkot umano sa tax evasion, marketing ng mga may flavor na vapes para sa mga kabataan at paglabag umano sa Republic Act (RA) No.11900 o ang Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Products Regulation Act.
Hinikayat ni House Committee on Ways and Means Chairman at Albay 2nd District Rep. Joey Salceda ang Securities and Exchange Commission (SEC) na imbestigahan ang Flava sa umano’y paglabag nito sa pagsasagawa ng negosyo base sa itinatadhana ng Revised Corporation Code. Lumilitaw umano na sa kabila ng magkakahiwalay na pagpapatala ng Flava sa BIR bilang manufacturer, ang kumpanya ay nag-iimport umano ng vaping products nito mula sa China na ibinebenta ang produkto sa Pilipinas.
Sa pagtaya naman ni Cagayan de Oro City 2nd Disrict Rep. Rufus Rodriguez, Co-Chairman ng komite, tinatayang nasa P728 milyon ang mga hindi nabayarang tax revenues sanhi ng technical smuggling ng P1.43 bilyong halaga ng ipinagbabawal na Flava electronic cigarettes noong nakalipas na taon.
Sa laboratory testing, nabatid na underdeclared umano ang vape imports ng Flava na freebase nicotine ang label sa halip na nicotine salt para mapababa umano ang excise tax rate.
Giit ng solon na dapat patawan ng gobyerno ng P7.2 bilyong multa sa buwis ang nasabing kumpanya at ipatigil din ng BIR ang pagbebenta ng lahat ng Flava vapes.