Color game, iba pang sugal sa perya ipagbawal para walang kotong
MANILA, Philippines — Upang hindi makotongan ng mga pulis, iminungkahi ni Sen. Raffy Tulfo na ipagbawal na ang color game at iba pang uri ng sugal sa mga peryahan.
Sa pagdinig sa Senado, kaugnay sa nararanasang panggigipit ng mga perya workers, sinabi ni Tulfo na kaya kinokotongan ang mga peryahan ay dahil marami silang iligal na gawain, partikular ang sugal na color game.
“Kayong mga nasa peryahan, kaya kayo kinokotongan gumawa din kayo ng iligal. Kasi kung legal kayo, kung patas kayo, di kayo kokotongan ng mga pulis,” ani Tulfo.
Sabi pa ng senador, may mga video pa siya kung saan kahit ang mga bata ay tumataya sa color game.
“Kung ako ang tatanungin, dapat wala ng sugal,” diin pa niya.
Ayon pa kay Tulfo, dadagsain pa rin naman ang mga peryahan dahil sa iba’t ibang palabas katulad ng mga nagta-tumbling, kumakain ng bote o sword, mga tao ng mukhang kabayo, target shooting ng mga bote at iba pa.
Sa Senate Resolution No. 921, ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, dapat magkaroon ng batas na titiyak na mabibigyan ng proteksiyon ang karapatan at dignidad ng mga perya workers.
Isang sulat ang natanggap ni dela Rosa mula sa Perya Industry of the Philippines Association (PIPA), Inc. na nanawagan ng tulong at suporta para maging legal ang perya industry.
- Latest