MANILA, Philippines — Nag-sorry sa pamilya Marcos si Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte dahil sa kanyang pahayag na dapat nang mag-resign si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. dahil wala itong pagmamahal at “aspiration” para sa bansa.
Ayon kay Sen. Imee Marcos, nagkausap sila ni Duterte at tinatanong kung ano ang mga pinagsasabi nito.
“Sabi niya, ‘sorry, sorry,” ani Marcos.
Idinagdag ni Marcos na naiintindihan naman niya ang damdamin ni Duterte na nababagabag para sa kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte at ate na si Vice President Sara Duterte.
“Nakakaloka ‘yun. ‘Yun lang masasabi ko ang lumapit sa akin ay si Mayor Baste, nag-sorry nang nag-sorry. Naiintindihan ko naman kasi syempre sobrang emosyonal sya kasi isipin mo naman ikukulong ang tatay mo at ate mo talagang magrerebolusyon ang iyong damdamin,” ani Marcos.
Ayaw namang magkomento ni Sen. Marcos sa naging pahayag ni dating pangulong Duterte na adik umano ang kanyang kapatid na si Pangulong Marcos.
“Hindi na ako kasali doon bahala na sila kayang kaya na nila ‘yan nakakaloka ‘yun lang ang masasabi ko,” ani Marcos.