MANILA, Philippines — Kasabay nang pormal na paglulunsad ng “Bagong Pilipinas,” sa Quirino Grandstand sa Maynila, nilinaw ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na walang “hidden agenda” sa nasabing kampanya at hindi rin ito isang bagong partidong pulitikal.
Sa kanyang mensahe sa kick-off rally ng “Bagong Pilipinas” campaign, sinabi ni Marcos na para maibalik muli ang tiwala ng taumbayan ay dapat ipakita ng gobyerno ang mga dapat gawin hindi sa pamamagitan ng salita kundi ng gawa.
Dapat rin aniyang ipakita sa mga mamamayan ang isang plano at “blueprint” kung ano ang mga gagawin ng gobyerno.
Ibinahagi ni Marcos Jr. ang kahalagahan ng tiwala sa gobyerno, at ang pagkamit nito sa pamamagitan ng Philippine Development Plan (PDP) kung saan hinango ang “Bagong Pilipinas.”
Ang Bagong Pilipinas din aniya ay hindi isang slogan o sticker na kung saan-saan na lamang ikinakabit.
“Ang layunin ng Bagong Pilipinas ay maglatag ng mga mithiin na dapat nating makamtan para sa kinabukasan ng ating bayan. Tapos na ang pagsi-patsi na plano na naiiba-iba na ang nangyayari lang ay nagkakawatak-watak tayo,” ani Marcos.
Sinabi ni Marcos na hindi niya sasayangin ang tiwalang ibinigay sa kanya ng taumbayan ngunit magtatagumpay lamang ang Bagong Pilipinas kung magtutulong-tulong ang lahat.
Dapat din aniyang maging mabilis ang pagtugon sa mga humihingi ng tulong at bawal na rin ang mga masusungit sa gobyerno.
Bawal na rin ang mga nangungulimbat at nagwawaldas ng pondo.
“Bawal ang mga hindi tapat at nangungulimbat. Kapag pera ng bayan ang nawala dahil sa katiwalian ang mga taong paglalaanan sana ng pondong naglaho ang nanakawan. Sa Bagong Pilipinas bawal ang waldas,” ani Marcos.
Dumalo rin sa okasyon si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, ilang senador at mga miyembro ng Gabinete.
Libu-libong mamamayan din mula sa iba’t ibang antas ng pamumuhay ang nakiisa sa kick-off rally na dinaluhan din ng maraming celebrities.
Dumating si Marcos sa pagtitipon dakong alas-7 ng gabi kasama si First Lady Liza-Araneta Marcos.