MANILA, Philippines — Maagang pinaghandaan ng pamunuan ng Philippine Ports Authority (PPA) katuwang ang iba pang mga ahensya ng pamahalaan ang pagdaong sa bansa ng isa pang international cruise ship na Resorts World One.
Ito’y upang masiguro na ligtas at maayos ang pagdaong ng nasabing barko nitong Martes, Enero 23, 2024 sa Manila South Harbor.
Gaya ito ng naging aksyon ng PPA sa mga naunang international cruise ship na dumaong sa bansa ngayong Enero -- ang MV Vasco Da Gama at MV Westerdam.
May sakay ang Resorts World One na 1,620 pasahero at higit 1,000 crew galing Hong Kong at dumating sa Maynila dakong alas-10 ng umaga.
Matapos ang sightseeing ng mga dayuhang turista sa mga tourist destination, nakatakda rin itong magtungo sa Boracay sa parehong araw.
Ito na ang pangatlong cruise ship na dumaong sa Manila South Harbor para sa isang transit call.
Ayon sa PPA, ngayong 2024 ay humigit-kumulang 70 pang cruise ship arrival ang inaasahan sa mga pantalan ng Pilipinas.
Umaasa ang PPA na madadagdagan pa ito at mahihigitan ang nasa 160 cruise vessel na dumaong sa Pilipinas noong 2023.