MANILA, Philippines — Aayudahan ng Department of Migrant Workers (DMW) ang isang Pinay na inaresto sa Tokyo, Japan matapos na umano’y abandonahin ang bangkay ng isang mag-asawang Hapon.
Ayon kay DMW OIC Hans Leo Cacdac, nakikipag-ugnayan na sila sa Japan Government kaugnay sa napaulat na pagkakaaresto kay Hazel Ann Morales sa Adachi Ward sa Tokyo kamakailan.
Paniniguro pa ni Cacdac, handa na sila sa pagkakaloob ng legal assistance sa Pinay.
Sa panayam sa Teleradyo Serbisyo, sinabi ni Cacdac na, “So, we’re in coordination with the Japanese authorities and we have made known to the Japanese authorities that we intend to provide such legal and other forms of assistance to her.”
Paniniguro pa ni Cacdac, hindi nila titigilan ang kaso at pagkakalooban ang Pinay ng pinakamahusay na legal assistance.
Aniya pa, sa ngayon ay hindi pa nila tiyak kung si Morales ay isang migrant worker o permanenteng residente sa Japan.
Base sa ulat ng Kyodo News, si Morales ay inaresto sa hinalang inabandona niya ang mga bangkay ng mag-asawang Norihiro at Kimie Takahashi.
Ang bangkay ng mag-asawa, na tila sinaksak, ay natagpuan sa kanilang tahanan.