DOH gustong isuspindi 5% increase sa PhilHealth premium contribution

President Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. shakes the hand of newly appointed Health Secretary Teodoro Herbosa.
Presidential Communications Office

MANILA, Philippines — Imumungkahi ng Department of Health (DOH)  na muling ipagpaliban ang pagtataas ng kontribusyon para sa miyembro ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) ngayong taon.

'Yan ang ibinahagi ni Health Secretary Ted Herbosa sa nangyaring "Kapihan sa Manila Hotel" forum ngayong Miyerkules bago ang napipintong board meeting ng PhilHealth ngayong hapon.

"Mas maganda siguro, suspended pa rin siya. Ako, kung ako ang tatanungin, suspended pa rin siya. Noong sinuspend siya, wala namang nawala sa benepisyo. Nabigay pa rin. Nag-increase pa nga," ani Herbosa.

"Kasi sa Universal Healthcare Law din, inilipat ang pera ng PAGCOR, PCSO, iba pa, tska Sin Tax, ibinibigay sa PhilHealth, para pambayad sa benepisyo ng mahihirap."

Nangyayari ito ilang araw matapos ianunsyo ni PhilHealth President and Chief Executive Officer Emmanuel Ledesma Jr. na itutuloy na ang pagtataas ng member's contributions ngayong taon patungong 5%.

Ang pagtataas sa taunang premium ay alinsunod sa Universal Health Care Law sa intensyong "mapaganda ang benefit packages ng PhilHealth." Mula 2%, tataas ito dapat hanggang 5% ngayong 2024.

"My position is, I think PhilHealth has enough money to actually continue to give benefits. And it will not be hurt by delaying the increase in premium," dagdag pa ni Herbosa.

"I need to see... good actuarials on this one. So you need to have science-based to do the policy, hindi 'yung itataas mo lang."

Bagama't lahat ng Pilipino ay miyembro ng PhilHealth, tinatawag na "direct member" ang mga nagbabayad ng annual premium. "Indirect member" naman kung tawagin ang mga walang trabaho at mahihirap.

Una nang pinalagan ng Migrante International ang pagtataas ng premium para sa PhilHealth, bagay na makaaapekto sa mga sumasahod mula P10,000 hanggang P100,000. Aniya, malaking dagok ito lalo na sa mga overseas Filipino workers lalo na't hindi naman daw nila ito mapakikinabangan habang nagtratrabaho sa ibang bansa.

Matatandaang sinuspindi noon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang premium hike noong kasagsagan ng COVID-19 dahil sa gitna ng krisis.

Sinuspindi rin ito ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong 2023, bagay na sinegunduhan ng Kongreso.

Show comments