MANILA, Philippines — Nanawagan si Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel para sa indefinite suspension ng Public Utility Vehicles (PUVs) consolidation hangga’t hindi pa naayos ang mga isyu tungkol sa programa.
Nais ding malaman ni Pimentel kung sino ang mga suppliers ng mga mini-buses at dapat aniyang magkaroon ng “peace and harmony” sa sektor ng transportasyon.
Sinabi ni Pimentel na dapat ipagpaliban ang programa upang bigyan ng pagkakataon ang mga stakeholders na maayos ang isyu na nakapalibot sa programa ng modernisasyon ng PUV.
Sa isang panayam ng Senate media sa pamamagitan ng Zoom, sumang-ayon si Pimentel na maraming mga isyu tungkol sa consolidation ng PUVs na nananatiling hindi nalutas tulad ng pagtatatag ng mga kooperatiba sa mga driver ng dyip at operator at mga ruta ng dyip.
“So suspend indefinitely, pwede nila sabihin na we will resume after certain number of months kung naayos na nila lahat ang lahat ng detalye,” ani Pimentel.
Hiniling kahapon ng transport group na Piston sa Korte Suprema na ihinto ang pagpapatupad at ipawalang bisa ang ilang mga order ng gobyerno na may kaugnayan sa PUV Modernization Program (PUVMP).
Sinabi ni Pimentel na ang kanyang tanggapan ay susulat sa Department of Transportation (DOTR) upang malaman ang supplier ng mini-bus na papalit sa iconic jeepneys bilang bahagi ng PUVMP.