MANILA, Philippines — Nasa 12 probinsiya sa bansa ang apektado pa rin ng bird flu.
Ito ang nakasaad sa datos ng Bureau of Animal Industry (BAI) batay sa kanilang report hanggang Disyembre 15, 2023.
Sa 12 lalawigan, 70 bayan at siyudad ang apektado kung saan pinakahuling naapektuhan ang lungsod ng Balanga sa Bataan at bayan ng Concepcion, Tarlac.
Maalalang inilabas ng Department of Agriculture(DA) noong Nobyembre ang isang memorandum circular na nagbibigay pahintulot sa paggamit ng mga bakuna laban sa bird flu, para sa lahat ng apektadong lugar.
Sa ilalim ng vaccination program ng ahensiya, mayroong dalawang kategorya o paraan ang maaaring gawing protective emergency at preventive vaccination.
Kabilang sa mga babakunahan ay ang mga layer chicken, layer breeder, broiler breeder, colored o free-range breeder, grandparent broiler breeder, small-hold layer o native chicken, duck, game fowl at turkey.
Tiniyak naman ng BAI na patuloy ang kanilang ginagawang pagmomonitor sa sitwasyon.