MANILA, Philippines — Ikinatuwa ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., nitong Biyernes ang pagbaba ng poverty incidence sa unang semestre ng 2023, sa layuning makamit ang single-digit poverty level sa 2028.
Sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA), ang poverty incidence sa mga pamilya ay bumaba sa 16.4 porsiyento sa first semester ng 2023 mula sa 18.0 porsiyento sa parehong panahon ng 2021, katumbas ng 230,000 kabahayan na nakatakas sa kahirapan.
Sa usapin ng populasyon, bumaba ang kahirapan mula 23.7% hanggang 22.4%, o 895,260 mas mababang mahihirap na Pilipino.
Sa buong bansa, bumaba ang kahirapan sa 15 sa 17 rehiyon mula 2021 hanggang 2023 sa NCR, CAR, Cagayan Valley, Central Luzon, SOCCSKSARGEN, at Caraga.
Habang sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ay nananatiling pinakamataas sa bansa.
Sinabi ni Socioeconomic Planning Secretary Arsenio Balisacan, ang desisyon na ganap na buksan ang ekonomiya at alisin ang lahat ng mga paghihigpit sa COVID-19 sa bansa simula sa 2022 ay nagbigay-daan sa bansa na makabangon mula sa epekto ng pandemya.
“Notably, in the first three quarters of 2023, the Philippines demonstrated remarkable resilience amid all challenges, with the Gross Domestic Product growth rate averaging at 5.5 percent, placing us among the best-performing economies in Asia,” pahayag ni Balisacan, pinuno ng National Economic and Development Authority (NEDA).
Ang pinakahuling labor force statistics ay nagpapakita rin ng patuloy na pagpapabuti sa mga kondisyon ng labor market, na ang unemployment rate ay bumaba sa 4.2% noong Oktubre 2023 mula sa 4.5% noong Oktubre 2022 at ang underemployment rate sa 11.7% mula sa 14.2% sa parehong panahon.
Ayon sa NEDA chief, ang mga interbensyon ng gobyerno tulad ng Targeted Cash Transfer Program, fuel subsidy, one-time rice allowance, at Libreng Sakay Program ay nakatulong upang mabawasan ang masamang epekto ng inflation sa mahihirap na sambahayan.
Sinabi ni Balisacan na titiyakin ng administrasyon ang mabisang pagpapatupad ng iba’t ibang mga hakbangin sa sektor ng lipunan upang mabawasan pa ang kahirapan sa pambansa at rehiyonal na antas.
Kabilang dito ang epektibong pagpapatupad ng bagong Social Protection Floor na nagpapatibay sa mga pangunahing garantiya ng social security, ang pagpasa ng Trabaho Para sa Bayan Act at ang Pambansang Pabahay para sa Pilipino Program, gayundin ang pagtatatag ng Walang Gutom 2027 Food Stamp Program.