Acorda magreretiro na..
MANILA, Philippines — Nakatakda nang magretiro sa susunod na linggo si Philippine National Police chief Gen. Benjamin Acorda, Jr., kaya nasa proseso na ng pagpili ng papalit dito si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.
Ito ang sinabi ni Interior Secretary Benhur Abalos upang matiyak na magtutuluy-tuloy ang kampanya ng PNP laban sa iba’t ibang kriminalidad at paglilinis ng hanay nito.
Kabilang sa mga pinagpipilian sina Director for Community Relations Maj Gen. Edgar Allan Okubo, Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Director Police Major Gen. Romeo Caramat Jr. , National Capital Region Police Office (NCRPO) chief, Maj Gen. Jose Melencio Nartatez Jr.; at Police Major General Emmanuel Peralta, chief Directorial Staff.
Sa kanyang pagdalo sa 2023 ADAC Performance Awards sa Crowne Plaza sa Quezon City, sinabi ni Abalos na magagaling ang mga nasabing opisyal kaya nasa Pangulo na ang desisyon.
Ani Abalos, maganda ang performance ng PNP ngayon dahil bumababa ang criminality habang tumataas ang huli sa droga. Kailangan ng publiko ang performer on the ground.
Hindi naman ibinunyag ni Abalos ang kanyang inirekomenda subalit sinabi nito na isa ito sa mga mahuhusay subalit tahimik na opisyal sa PNP.
Magreretiro si Acorda sa Disyembre 3.