MANILA, Philippines — Ginagawa na raw ng gobyerno ang lahat ng kaya nito para matiyak ang kaligtasan ang mga Pilipinong mandaragat na binihag ng ilang rebelde sa Yemen, ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Miyerkules lang nang ibalita ng Department of Foreign Affairs (DFA) na 17 Filipino seafarers ang hawak ngayon ng grupong Houthi matapos pasukin ng huli ang isang cargo ship sa timog bahagi ng Red Sea.
Related Stories
"The safety of our 17 Filipino seafarers is of utmost concern," wika ni Bongbong kahapon.
"DFA (Department of Foreign Affairs) is in coordination with their counterparts in Iran, Oman, Qatar, and Saudi Arabia for updates, and the DMW (Department of Migrant Workers) is in regular communication with the families of the hostages."
Una nang naibalitang kinuha ng mga rebeldeng Yemeni ang cargo vessel na Galaxy Leader na may sakay na 25 crew members bilang ganti diumano sa opensiba ng Israel sa Gaza, Palestine.
Ang Bahamas-flagged, British-owned ship ay sinasabing may kaugnayan sa Israeli businessman na si Abraham "Rami" Ungar. Pinatatakbo naman ito ng Japanese firm.
Sinasabing kaalyado ng mga Houthi ang Hamas at gobyerno ng Yemen, maliban pa sa paminsan-minsang pakikipag-kaibigan sa Rusya. Patuloy ang pakikipagbakbakan ang Hamas atbp. grupo sa mga Israeli, na kilalang iligal na umookupa sa estado ng Palestine, ayon na rin sa United Nations.
"Our seafarers are not alone. The government is doing everything in our power to bring them safely home," sabi pa ni Marcos.
Matatandaang sinabi ng tagapagsalita ng Houthi na tinatrato nila ang crew ng nakuhang sasakyang pandagat alinsunod sa prinsipyo at pananaw ng Islam. Aniya, wala silang sasaktang banyang bihag.
Kamakailan lang nang tiyakin ng DMW sa pamilya ng mga seafarers ang kanilang suporta at tulong.
Nananawagan ngayon ang Estados Unidos ng agarang pagpapalaya sa sasakyang pandagat at crew nito. Pinag-iisipan na rin daw aniya ng Amerika na kilalaning "teroristang" organisasyon ang mga Houthi kasunod ng insidente.
Ngayong linggo lang nang ibalitang magkakaroon ng apat na araw na tigil-putukan sa pagitan ng Israel at mga grupong Palestino kapalit ng pagpapalaya ng 50 Israeli hostages.
Positibong sinalubong ng Hamas ang "humanitarian truce" na siya namang magiging hudyat din ng pagpapalaya ng Israel sa 150 Palestinians.