MANILA, Philippines — Kinastigo ng ilang senador si Philippine Retirement Authority (PRA) chief Cyntia Lagdameo Carrion dahil sa walang tigil na pagte-text sa mga senador para hilingin na gawing prayoridad ang deliberasyon sa panukalang 2024 budget ng Department of Tourism (DOT).
Sinabi ni Senador Jinggoy Estrada, walang kahit sino ang may karapatan na sabihan sila para tumigil sa pagsasalita, dahil tungkulin at trabaho nila na gawin ang kanilang trabaho sa Senado, kaya walang karapatan si Carrion na sabihan sila kung ano ang kanilang gagawin.
Giit pa ni Estrada, na paulit-ulit silang tini-text ni Carrion at iba pang senador kabilang dito sina Senate President Migz Zubiri, Senators Risa Hontiveros at Cynthia Villar para sabihing itigil na ang interpelasyon at tapusin na ang deliberasyon sa budget ng iba pang departmento para sumalang na ang DOT.
Dahil dito kaya nagbanta ang senador na ipapagpaliban o babawasan ang budget ng DOT dahil sa hindi magandang aksyon ni Carrion.
Ang PRA ay attached agency ng DOT.
Humingi naman ng paumanhin si Tourism Secretary Christima Frasco at nangako na iimbestigahan nila ang naging aksyon ni Carrion.