MANILA, Philippines — Sinampahan na ng kasong murder at theft ng Philippine National Police (PNP) sa Provincial Prosecutor’s Office ng Misamis Occidental ang tatlong suspek na responsable sa pamamaslang sa radio anchor na si Juan Jumalon o mas kilala bilang “DJ Johnny Walker”.
Hindi muna ibinunyag ng PNP ang pagkakakilanlan ng isa sa mga suspek habang “John Does” ang dalawang iba pa.
Sinabi ni PNP Public Information Office chief PCol Jean Fajardo na kailangang maisailalim sa kaukulang evaluation ng assisting prosecutor ang naturang kaso sa ilalim pa rin ng case build-up mechanism ng Department of Justice.
Prayoridad ng piskalya aang kaso ni Jumalon at tiniyak na tatapusin ang evaluation ng criminal complaint sa loob ng 10 araw.
Matatandaang si Jumalon ay nagpo-programa sa kanyang istasyon na 94.7 Calamba Gold FM sa kanilang bahay sa Barangay Don Bernardo Neri Calamba, Misamis Occidental nang pasukin at barilin ng suspek na nagpanggap na may iaanunsyo umano sa radyo.
Matapos ang pamamaril, kinuha ng suspek ang kuwintas ng biktima at mabilis na tumakas kasama ang dalawang iba pa.
Naglabas na rin ang PNP ng composite sketch ng isa sa mga suspek.