MANILA, Philippines — Patuloy na isinusulong ni Senador Christopher “Bong” Go ang mga hakbang ng pamahalaan upang makabuo ng mga karagdagang trabaho para matulungan ang mahihirap na Pilipino na makabangon mula sa iba’t ibang krisis.
Ang grupo ni Go ay nagpaabot ng tulong sa 54 micro-entrepreneurs sa Bangar municipal covered court sa Bangar, La Union noong Huwebes, Oktubre 26.
Bukod sa tulong ni Go, isang team mula sa Department of Trade and Industry (DTI) ang nagbigay ng negosyo kits sa pamamagitan ng livelihood program na nauna nang itinaguyod ni Go para matulungan ang mas maraming apektadong komunidad na makabangon mula sa mga kalamidad at iba pang krisis.
“Itong tulong pangkabuhayan, gamitin niyo po sa pagbubukas o pagpapalakas ng inyong negosyo. Palaguin niyo ang inyong negosyo at dalhin ang mga kita sa inyong pamilya. Mas masarap po sa pakiramdam kung pinaghirapan ninyo ang perang inyong kikitain,” ani Go sa kanyang video message.
Binanggit ni Go na patuloy ang gobyerno sa paglikha ng karagdagang mga oportunidad sa kabuhayan, partikular para sa mga mahihirap na sektor.
Matatandaang isa si Go sa mga may-akda at co-sponsor ng Republic Act No. 11960 o ang One Town, One Product (OTOP) Philippines Act. Ang batas ay magpapalakas sa mga Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs) sa pagbuo ng bago, makabago, at mas kumplikadong mga produkto at serbisyo.