MANILA, Philippines — Maulan sa iba’t ibang bahagi ng bansa laluna sa Metro Manila dulot ng dalawang low pressure area (LPA) at habagat na nasa loob ng Philippine area of responsibility (PAR).
Ayon kay weather forecaster Aldczar Aurelio, ang mga sama ng panahon ay patuloy nilang binabantayan na pawang nasa loob ng PAR.
Ang unang LPA ay huling namataan sa layong 85 kilometro hilagang silangan ng Infanta, Quezon habang ang isa pang LPA ay nasa layong 125 kilometro silangan ng Iba, Zambales.
Niliwanag naman ni Aurelio na mababa ang tsansa ng dalawang LPA na maging ganap na bagyo.
Dulot ng naturang mga LPA at habagat ay patuloy na nakakaranas ng pag-uulan sa Luzon, Visayas at sa Zamboanga Peninsula sa Mindanao.
May pag-uulan din sa ibang lugar dulot naman ng epekto ng thunderstorms.