3 Divisoria retailers, timbog sa pekeng produkto
MANILA, Philippines — Mahaharap sa ilang taong pagkakulong at malaking multa ang tatlong retailers sa magkakaibang tindahan sa Binondo, Maynila dahil sa pagbebenta umano ng mga pekeng pandikit na nagtataglay ng brand na “Super Vulcaseal Elastomeric Sealants.”
Sa magkakahiwalay na resolusyon ng Office of the City Prosecutor – Manila, may sapat na basehan umano para sampahan ang mga may-ari ng tindahan sa loob ng Divisoria shoppings malls ng trademark infringement case o pagbebenta ng mga pekeng produkto ng Bostik Philippines, Inc. gaya ng Super Vulcaseal Elastomeric Sealants.
Sa ilalim ng Intellectual Property Code, maaaring patawan ng 2-taon hanggang 5 taong pagkakabilanggo at P200,000-P500,000 multa ang sinumang mapapatunayan ng korte ng lumabag sa trademark infringement law.
“Nalulugod kami sa nangyari at nag-uumapaw ang aming pasasalamat sa aming mga customers na sila pang nagsumbong sa amin na kumakalat na pala ang mga pekeng produkto sa Binondo gamit ang aming pangalan at brand,” anang Bostik.
Nauna nang humingi ng saklolo ang Bostik sa National Bureau of Investigation (NBI) upang i-surveillance ang nasabing tatlong tindahan makaraang mapag-alaman ng kumpanya na may binebenta ang mga ito na mga counterfeit Bostik products.
Agad-agad na nagkasa ang NBI ng magkakasunod na surveillance operations mula noong Marso kung saan bumili ng produkto ang mga operatiba sa mga target na tindahan.
Matapos ang test buy, dinala ang mga produkto sa laboratoryo ng Bostik at dito na nga naberepika na peke ang mga ito.
- Latest