500 bilateral engagements ng Philippines, US military kasado sa 2024

MANILA, Philippines — Umaabot sa 500 bilateral engagements ang nakatakdang ipatupad ng magkaalyadong tropa ng Estados Unidos at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa taong 2024.

Ito’y kasunod ng isinagawang taunang pagpupulong ng Mutual Defense Board-Security Engagement Board (MDB-SEB) na ginanap sa AFP General Headquarters sa Camp Aguinaldo nitong Biyernes.

Ang MDB-SEB meeting ay pinangunahan nina AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr. at US Indo Pacific Command (INDOCOM) Commander Admiral John Aquilino kung saan nagkaroon ng mabungang pagtalakay at istratehiyang kolaborasyon sa pinaigting na commitment ng Phl at US upang mabantayan ang kanilang mga bansa at ang Indo-Pacific Region.

Nagkasundo naman sina Brawner at Aquilino na madaliin ang pagtatapos sa mga EDCA (Enhanced Defense Cooperation Agreements) projects kung saan 63 pa ang proyekto bukod pa sa 32 naunang mga alokasyon.

Sinabi ni Brawner na ang mahalaga ay pinagtibay ng dalawang bansa ang commitment sa alyansa ng Phl-US sa ilalim ng 1951 Mutual Defense Treaty at maging ang magkasamang pagpupursige para sa malaya at bukas na Indo-Pacific Region.

Show comments