Habagat pinalalakas ni ‘Hanna’, magpapa-ulan pa ng 3 araw

MANILA, Philippines — Patuloy na magdudulot ng walang puknat na pag-ulan sa susunod na tatlong araw ang habagat na pinalalakas ng bagyong Hanna at dalawa pang tropical cyclones na nasa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) na si dating bagyong Goring at isang may international name na Kirogi sa may kanlurang bahagi ng Luzon.

Bahagyang lumakas at bumilis si Hanna habang kumikilos sa hilagang bahagi ng Sea East ng Taiwan.

Alas-11:00 ng umaga, si Hanna ay namataan ng PAGASA sa layong 455 kilometro silangan hilagang-silangan ng Itbayat, Batanes habang kumikilos sa kanluran hilagang-kanluran sa bilis na 15 kilometro kada oras.

Taglay ng bagyo ang lakas ng hangin na umaabot sa 130 kph at pagbugso na 160 kilometro kada oras.

Dahil dito, nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa Batanes.

Ngayong Linggo at Lunes ay maulan sa Metro Manila, Batanes, Babuyan Islands, Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Nueva Vizcaya, Zambales, Pampanga, Bataan, Aurora, Bulacan, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, Western Visayas at sa northern portion ng Eastern Visayas.

Patuloy na pinapayuhan ng PAGASA ang mga residenteng nakatira sa naturang mga lugar na mag-ingat lalo na yaong mga nasa tabing ilog at bulubunduking lugar dahil sa banta ng flashfloods at landslides.

Show comments