MANILA, Philippines — Boluntaryong sumuko kahapon sa Kamara si Cagayan Gov. Manuel Mamba matapos patawan ng ‘contempt’ dahil sa ‘di pagdalo sa pagdinig hinggil sa umano’y illegal na paggasta sa pondo ng pamahalaang panlalawigan noong May 2022 campaign period.
Kasabay nito, tiniyak naman ni House Speaker Martin Romualdez na pangangalagaan ang kalusugan at legal na karapatan ni Mamba habang nasa ilalim ng kustodiya ng Kamara.
Sinasabing mas pinili ni Mamba ang boluntaryong sumuko kaysa malagay pa sa mas matinding kahihiyan kung aarestuhin ito ng mga pulis.
Ang imbestigasyon ng joint panel ay base sa inihaing resolusyon ni Cagayan Rep. Jojo Lara na naglalayong masusing imbestigahan ang umano’y mga anomalya noong May 2022 polls sa Cagayan kung saan inakusahan si Mamba ng umano’y vote buying.
Sinasabing umaabot umano sa P320 milyon ang ipinamahagi sa mga botante ng Cagayan noong campaign period.