Romualdez nag-surprise inspection sa presyo ng sibuyas, bigas; hoarders binalaan
MANILA, Philippines — Nagsagawa ng surprised inspection sa dalawang malalaking palengke sa lungsod Quezon si House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez upang malaman ang presyo ng mga pangunahing bilihin kabilang ang bigas at sibuyas.
Ayon kay Romualdez, nakatanggap sila ng report na tumataas ang presyo ng sibuyas at bigas kaya minabuti nilang inspeksiyunin ang mga palengke tulad ng Q Mart at Commonwealth Market.
“Kaya andito tayo may mga ulat na tumataas na naman ang mga presyo kaya tinatanong natin dito sa mga nagtitinda ng sibuyas bigas at bawang kung ano talaga ang dahilan bakit tumataas,” anang Speaker.
Kasama ni Romualdez si ACT-CIS partylist Reps. Erwin Tulfo at Edvic Yap sa paglilibot, sinabi ni Romualdez na hindi dapat na sinasamantala ng mga nagtitinda ang sitwasyon kung saan ang mga mamimili amg siyang nahihirapan.
Bunsod nito, nagbabala si Romualdez laban sa mga hoarders na mahaharap sa kaso sa sandaling mapatunayang nagtatago ng mga basic commodities.
Sinabi pa ni Romualdez na ang pagsasagawa ng inspection ay babala rin sa ilang ahensiya ng pamahalaan kabilang ang Department of Trade and Industry (DTI), Department of Agriculture (DA), at iba pang concerned agencies, na paiigtingin ang kanilang monitoring ng mga presyo ng bilihin sa mga palengke.
“Gusto naming malaman nila na binabantayan natin, kasi baka akala nila porke’t maraming nangyayari sa West Philippine Sea baka nakakalimutan natin ang isyu na ito. Hindi natin makakalimutan ito hindi natin pababayaan ito kasi ayaw nating mangyari ‘yung kagaya nung nakaraang taon na pumalo at sumipa ang bilihin dito lalo na sa sibuyas. Kaya bigla na lang nagkaroon ng shortage raw,” dagdag ni Romualdez.
“Kaya sa mga hoarders sana naman ‘wag nyo namang itago. Ilabas na lang ‘yan. “Huwag abusuhin at tutuluyan namin sila,” dagdag pa ni Romualdez.
- Latest