MANILA, Philippines — Posible na may impormante ang China sa Pilipinas sa tuwing may resupply mission ang Philippine Coast Guard (PCG) sa Ayungin shoal kaya agad na nasasabat ng Chinese Coast Guard (CCG) ang kanilang mga bangka.
Ayon kay PCG spokesperson on West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela, na isang araw bago ang pambobomba ng tubig sa kanilang barko, biglang nag-ipon-ipon ang mga barko ng CCG sa Ayungin Shoal para pigilan ang resupply mission at saka nagbalikan sa kanilang mga puwesto matapos ang insidente.
“What we can see from here - ‘yung resupply mission, talagang pinaghandaan nila ‘yan para i-block. There is already a motive by the Chinese government to really block our resupply mission,” saad ni Tarriela.
“Hindi naman sa nagtitimbre. Baka nagkataon lang na meron silang intel on the ground, baka may informant kaya nalalaman nila ang movement ng ating resupply operations,” dagdag pa niya.
Kinontra rin niya ang pahayag ng CCG na “humanitarian” sila nang payagan nila ang isang bangka na makalagpas sa kanila. Iginiit ni Tarriela na natalo lang ng naturang bangka sa patintero ang mga barko ng China kaya nakalagpas ito at nagpatuloy sa pagsusuplay sa mga sundalo na nakatalaga sa BRP Sierra Madre.
Kinastigo rin niya ang akusasyon ng China na edited umano ang video ng pambobomba ng tubig, habang tinuligsa ang mga Pilipino na naniniwala pa sa mga salitang binibitiwan ng China na una na niyang tinawag na mga traydor.
“Naniniwala ako na kung Pilipino ka, dapat ipaglaban mo ang laban natin sa West Philippine Sea. Kaya nga ako nagtataka. Ang intention ko lang naman is to call for unity, magkaisa tayo para i-condemn ang aggressive behavior ng China, hindi ‘yung dumedepensa tayo sa China,” dagdag pa ni Tarriela.