Patay kay Egay, Falcon, habagat sumipa sa 29 – NDRRMC

kalusuganNagmistulang dagat na ang palayan na ito sa Candaba Viaduct sa Pampanga dahil sa walang tigil na mga pag-ulan dulot ng mga bagyo at habagat. Asahan na ang pagmahal ng presyo ng bigas dahil sa kakulangan ng suplay ng palay.
Michael Varcas

MANILA, Philippines — Pumalo na sa 29 ang bilang ng mga namatay bunsod ng pananalasa ng nagdaang bagyong Egay na pinalakas ng Habagat at bagyong Falcon.

Batay sa pinakahuling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC)  kahapon, ang mga nasawi ay nagmula sa Ilocos, Western Visayas, Davao at Cordillera Administrative Region.

Subalit sa nasabing bilang, dalawa lamang ang kumpirmado habang ang nalalabing 27 ay “for validation” pa at nasa 13 pa ang nawawala.

Nasa 3,028,040 ang apektadong mga ­indibidwal o katumbas ng 805,621 pamilya mula Ilocos, Cagayan, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol, Western Visayas, Eastern Visayas, Northern Mindanao, Soccsksargen, Bangsamoro, Cordillera, at Metro Manila.

Sa apektadong populasyon, nasa 57,226 katao o 15,473 pamilya ang nananatili pa rin sa 648 evacuation centers habang 229,831 indibidwal o 57,000 pamilya ang namamalagi sa mga kamag-anak o kapamilya.

Kabuuang 56,694 tirahan ang napinsala ng bagyo at habagat, 54,406 ang partially damaged at 2,288 ang totally da­maged.

Nakataas naman ang state of calamity sa 232 lungsod at munisipalidad dahil sa epekto ng habagat.

Show comments