MANILA, Philippines — Umakyat sa limang katao na ang naiulat na nasasawi habang daan-daang libo naman ang nasalanta buhat ng Typhoon Egay at habagat, ayon sa pinakahuling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council.
Martes nang iulat ng konseho ang nasa 328,356 ang apektado ng naturang bagyo. Kasama rito ang sumusunod:
Related Stories
- patay: 5
- sugatan: 2
- lumikas: 26,697
- nasa loob ng evacuation centers: 19,826
- nasa labas ng evacuation centers: 6,871
Ang limang naiulat na patay ay sinasabing nagmula sa CALABARZON (1) at Cordillera Administrative Region (4), bagay na bineberipika pa raw ng NDRRMC.
Nagmula sa mga sumusunod na lugar ang mga nasalanta:
- Ilocos Region: 18,789
- Cagayan Valley: 9,566
- Central Luzon: 221,527
- CALABARZON: 749
- MIMAROPA: 5,348
- Bicol Region: 764
- Western Visayas: 42,897
- Northern Mindanao: 431
- SOCCSKSARGEN: 20,510
- Cordillera Administrative Region: 7,795
Ngayong araw lang nang iulat ng PAGASA na namataan ang sentro ng bagyo 195 kilometro kanluran ng Basco, Batanes, bagay na dahilan pa rin ng Signal no. 2 sa pitong lugar.
Pinsala at tugon ng gobyerno
"The estimated cost of damage to infrastructure amounting to Php 1,700,000 was reported in Region 1, MIMAROPA, Region 6, Region 12, BARMM," patuloy pa ng NDRRMC.
Pumalo naman na sa P255,500 halaga ng pinsala sa sektor ng agrikultura ang naitala ng Department of Agriculture, bagay na katumbas ng 4 metrong tonelada na nakaapekto sa 40 ektarya.
Bukod pa 'yan sa 400 kabahayang napinsala ng bagyo:
- bahagyang napinsala: 362
- wasak na wasak: 38
Nakapaglabas naman na ng P10.29 milyong ayuda para sa mga nasalanta sa porma ng family food packs, tulong pinansyal, hygiene kits atbp.
Miyerkules lang nang mailagay ang Ilocos Norte sa state of calamity, dahilan para magpatupad ng mga price freeze doon.
"Hindi tayo tumitigil na makipag-coordinate sa local government officials ng Ilocos Norte kasi alam natin na apektado rin sila pati na rin sa Cordillera region," ani Social Welfare and Development Secretary Rex Gatchalian kahapon.
"'Yung coordination between the national government and local government napakaimportante niyan. Alam natin na ang local government ang first to respond."