Taga-Nueva Ecija kinubra P366-M lotto jackpot; netizens pinuna 'edited' shirt ng nanalo

Huwebes nang iulat ng Philippine Charity Sweepstakes Office ang pag-claim ng mananaya sa papremyo noong ika-6 ng Hulyo, na siyang nakakuha sa winning combination na 43-58-37-47-27-17.
Released/Philippine Charity Sweepstakes Office

MANILA, Philippines — Inuwi na ng isang Novo Ecijano ang kanyang papremyo matapos tamaan ang 6/58 jackpot prize na nagkakahalagang P366.68 milyon — pero napansin din ng netizens ang disenyo sa damit ng nanalo, dahilan para magduda ang ilan.

Huwebes nang iulat ng Philippine Charity Sweepstakes Office ang pag-claim ng mananaya sa papremyo noong ika-6 ng Hulyo, na siyang nakakuha sa winning combination na 43-58-37-47-27-17.

"Hindi ko pa alam sa ngayon kung paano ko iha-handle ang ganito kalaking pera. Pero syempre, unang una, tutulong tayo sa kapwa, magbabahagi tayo dahil alam ko may plano si Lord bakit tayo biniyayaan ng ganito," sabi ng 40-anyos na lalaki.

"Huwag po tayong mawalan ng pag-asa. May mga pagkakataon po na nanghihinayang tayo kasi hindi tayo tumama, pero lagi po nating isipin na bawat taya po natin, nakakatulong po tayo sa kapwa."

 

 

Aniya, hanggang sa ngayon ay hindi pa rin siya makapaniwala sa napalanunan. Sinasabing binili niya ang kanyang ticket sa isang lotto outlet sa Cabiao, Nueva Ecija.

Tumaya siya ng P100 katumbas ng limang plays, kung saan pumili siya ng apat na set ng napupusuang numero habang ipinagkakatiwala ang ika-lima sa lucky pick — isang system-generated selection. Hindi niya alam, dito na siya magiging multi-milyunaryo.

Kinakailangang makuha ng lucky winners ang kanilang papremyo isang taon matapos ang pagbola upang maiwasang isuko ito sa PCSO Charity Fund.

Sa kabila nito, hindi niya makukuha ang kabuuan ng P366,687,465.20 papremyo. Saklaw na kasi ng 20% final tax ang anumang premyong lalagpas sa P10,000 alinsunod sa Tax Reform Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.

Edited ang damit?

Pinagkatuwaan naman ng netizens ang t-shirt ng nag-claim ng premyo, sa dahilan tila ipinatong lang dito ang "paw print." Kitang-kitang tuwid pa rin kasi ang disenyo kahit may gusot ang tela. Nag-overlap pa ito sa balat.

Hindi tuloy maiwasan ng iba kung totoong may nanalo talaga.

"Pero edited yung design ng shirt????" wika ng Facebook user na si Leigh Ugot kagabi.

Ganyan na ganyan din ang reaksyon ng FB user na si Snipes Bernardino sa larawan kahapon.

Biro naman nina Ivan Stewart Baco Saldajeno at Mike Sky, parang tinatakan lang ni Blue sa "Blue's Clues" ang damit.

"What could Blue possibly do with P293 million (binawas ko na yung tax hehe) with a t-shirt? Maybe, but I think we should find some more clues just to be sure," sabi niya.

Hindi ito ang unang beses na napagkatuwaan ang litrato ng mga nanalo sa lotto na in-upload sa social media accounts ng PCSO.

Paliwanag ng PCSO sa kanilang post, nagiging totoo lang sila sa pangakong panatilihing confidential ang impormasyon ng mga claimant. — James Relativo

Show comments