MANILA, Philippines — Nag-isyu ng open letter sa mga mambabatas ang malalaking grupo ng private schools na umaapela laban sa pagpasa ng Senate Bill 1359 o ang No Permit, No Exam (NPNE) Prohibition Act.
Nakapirma rito ang Catholic Educational Association of the Philippines (CEAP), Philippine Association of Colleges and Universities (PACU), Philippine Association of Private Schools, Colleges, and Universities (PAPSCU), Association of Christian Schools, Colleges, and Universities (ACSCU), at Unified TVET of the Philippines, Inc (UniTVET).
Sa nasabing liham, binigyang-diin ng grupo na maraming private schools ang tuluyan nang magsasara kapag naisabatas ang panukala.
Sakaling hindi na mapuwersang magbayad ng tuition sa tamang oras ang mga estudyante at magulang, mawawalan na umano ng pondo ang private schools sa loob lamang ng dalawang buwan.
Dagdag pa ng grupo na maraming guro at staff ang mawawalan ng trabaho kapag nawalan na ng cash flow ang mga paaralan.
Mayroon namang ipinatutupad na lunas ang mga paaralan sa mga hindi kayang magbayad ng tuition sa tamang oras, ayon pa sa kanila.
Naglabas din ng kanilang statement laban sa NPNE Prohibition Act ang University of Mindanao (UM), ang pinakamalaking private school sa Mindanao, at Cebu Institute of Technology (CIT) University, na nahihirapan pa ring makabawi dahil sa epekto ng COVID-19 pandemic at bagyong Odette noong 2021. Ang NPNE Prohibition Act ay ipinasa sa third reading noong Marso.