Guilty!
Ito ang ibinabang hatol nitong Biyernes ng Sandiganbayan laban kay dating Puerto Princesa City Mayor Edward Hagedorn na pinatawan ng 2-7 taong pagkakakulong sa kasong malversation ng public property kaugnay ng kabiguang isoli ang 14 piraso ng armalite rifles na inisyu sa pamahalaang lungsod noong 2013.
Bukod sa hatol na pagkakakulong ay diskuwalipikado rin si Hagedorn na humawak ng anumang posisyon sa gobyerno at tatanggalin din dito ang benepisyo sa kaniyang pagreretiro sa serbisyo sa ilalim ng batas.
Kasabay nito, inatasan din ng anti-graft court si Hagedorn na magbayad ng P490,000 danyos at ibalik sa Bureau of Treasury ang halagang P35,000.
Sina Associate Justice Ronald Moreno kasama sina Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang at Associate Justice Bernelito Fernandez ang nagbaba ng 48 pahinang desisyon laban kay Hagedorn na may petsang Hunyo 30, 2023.
Base sa rekord ng kaso noong Hulyo 1, 2013 ay nabigo si Hagedorn na mai-account ang 14 piraso ng Armalite rifles na nagkakahalaga ng P490,000.
Nabatid na 20 armas ang inisyu kay Hagedorn pero anim lang sa mga ito ang ibinalik sa pamahalaang lungsod ng Puerto Princesa City sa pagtatapos ng termino nito bilang alkalde noong Hunyo 30, 2013.
Sa kaniyang depensa, sinabi ni Hagedorn sa anti-graft court na ang mga armas ay naka-assign sa kaniyang mga security detail at personnel na siyang may aktuwal na kustodya sa nasabing mga armas.
“Accused Hagedorn is deemed to be the ‘head’ of his office. The mere fact that accused Hagedorn knowingly and willingly signed the memorandum of receipt for semi-expendable and non-expendable supplies or property and declared himself as the person ‘immediately accountable’ to the 20 firearms,” anang Sandiganbayan.
Ipinaliwanag pa ng Sandiganbayan na bagaman ang nasabing mga armas ay nakatalaga sa mga security detail ni Hagedorn ay may pananagutan ang dating alkalde sa nasabing mga armas.
Sa kabila ng mga demand na isoli ang nasabing mga armas ay nabigo si Hagedorn na tumalima dito. Ang kaniyang kabiguan, ayon pa sa anti-graft court ay isang prima facie evidence na ang nasabing mga nawawalang armas ay personal na ginamit ng dating alkalde.