MANILA, Philippines — Walang humpay pa rin sa pag-aalburoto ang Bulkang Mayon sa probinsya ng Albay, bagay na nagbabadya pa rin ng peligro sa mga Bikolano dulot ng pag-agos ng lava, pagguho ng mga bato at posibleng pagputok.
"Mabagal [ang] pagdaloy ng lava [sa Mayon] na may haba na 2.5km sa Mi-isi Gully at 1.8km sa Bonga Gully at pagguho ng lava hanggang 3.3km mula sa crater," wika ng Phivolcs sa isang pahayag, Miyerkules.
Naitala sa nakalipas na 24 ang mga sumusunod habang nasa ilalim ito ng Alert Level 3:
- volcanic earthquakes: 2
- rockfall events: 299
- dome-collapse pyroclastic density current events: 7
- sulfur dioxide flux: 507 tonelada/araw (20 Hunyo 2023)
- plume: 800 metrong taas; katamtamang pagsingaw; napadpad sa gawing kanluran
- ground deformation: namamaga ang bulkan
BULKANG MAYON
— PHIVOLCS-DOST (@phivolcs_dost) June 20, 2023
Buod ng 24 oras na pagmamanman
21 Hunyo 2023 alas-5 ng umaga #MayonVolcano
Filipino: https://t.co/ec8yfJh5s0
English: https://t.co/BaNyqA8JMy pic.twitter.com/6J9gEr1IzK
Umabot na sa 20,221 katao ang lumilikas dahil sa pag-aalburoto ng Mayon sa Kabikulan, dahilan para sumilong muna sa mga evacuation centers ang 18,899 katao.
Una nang ibinalita ng National Disaster Risk Reduction and Management Council na umabot na sa 628 ang sugatan dulot ng mataas na aktibidad ng bulkan. Gayunpaman, tinanggal muna ito ng NDRRMC ngayong araw dahil sa dumadaan pa ito sa validation.
Ipinagbabawal pa rin ngayon ng mga dalubhasa mula sa Phivolcs ang pagpasok sa anim kilometrong radius permanent danger zone at pagpapalipad ng anumang eroplano sa ibabaw ng bulkan.
Babala pa ng state volcanologists, maaaring maganap ang alinman sa mga sumusunod sa ngayon:
- pagguho ng bato
- pag-itsa ng mga tipak ng lava o bato
- pag-agos ng lava
- uson
- katamtamang pagputok
- pag-agos ng lahar kung may matinding pag-ulan
Kasalukuyan pa ring nasa state of calamity ang 18 lungsod at munisipalidad ng Albay dahilan para makontrol doon sa ngayon ang mga presyo ng bilihin.
Nakapaglaan naman na ng nasa P73.92 milyong halaga ng ayuda para sa mga nasalanta ng bulkan sa porma ng malinis na inuming tubig, pagkain, tulong pinansyal atbp.