MANILA, Philippines — Nagpahayag ng matinding pasasalamat si Tarlac Governor Susan Yap sa walang patid na dedikasyon at tunay na malasakit ni Senator Christopher “Bong” Go para sa kapakanan ng mamamayan.
Binigyang-diin ng gobernador ang proactive approach ni Go sa pagtugon sa mga pangangailangan at hinaing ng mga Tarlaqueño.
“Alam niyo, si Senator Bong Go, nung una pa siyang pumunta dito, kasama si dating Presidente Rodrigo Duterte, lagi siyang nasa gilid lamang. Pero nakikita ko, noong mga panahon na iyon, siya ang nag-aasikaso at nakikinig sa mga hinaing ng ating mga kababayan,” anang gubernadora.
“Hindi lang dahil sa Malasakit Center na itinayo natin dito dahil kay Senator Bong Go... sa rami ng nakinabang, hindi pa siya tumigil (sa pagseserbisyo). Patuloy na nagpapagawa ng mga proyekto (tulad ng) Super Health Center sa bawat bayan,” dagdag ni Yap.
Sa kanyang talumpati, nagpasalamat si Go sa pagkakataong ibinigay sa kanya na makapaglingkod sa sambayanang Pilipino.
“Hindi ko po sasayangin ‘yung pagkakataon na ibinigay niyo sa amin. Magtatrabaho po ako para sa Pilipino. Sanay po ako sa trabaho. Umaga pa lang, tanghali, hapunan… ay nagtatrabaho po ako dahil ‘yan na ang nakagawian ko noon pa - ang pagtatrabaho at pagseserbisyo,” anang senador.