^

Bansa

Grupo kinastigo pagmasaker sa 'pamilyang na-red tag' sa Negros Occidental

James Relativo - Philstar.com
Grupo kinastigo pagmasaker sa 'pamilyang na-red tag' sa Negros Occidental
Litrato ng Himamaylan City, Negros Occidental mula sa kalawakan
Google Maps

MANILA, Philippines — Kinundena ng Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura ang diumano'y "masaker" sa isang pamilya ng pesante nitong Miyerkules ng gabi — ang mga nabanggit ay sinasabing iniuugnay daw ng Armed Forces of the Philippines sa komunistang rebelyon.

Ayon sa pahayag ng UMA, gabi ng ika-14 ng Hunyo nang mangyari ang insidente sa Barangay Buenavista, Himamaylan City, Negros Occidental. 

Kabilang aniya sa mga napatay ang inang si Emelda Fausto, na siyang miyembro ng Baklayan, Bito, Cabagal Farmers Association (BABICAFA). Maliban sa kanya, nasawi rin ang dalawa niyang anak — ang isa ay 15-anyos habang ang isa ay 11-anyos. Nadamay din daw sa insidente ang kanyang mister.

"Lumipas na ang rehimeng Duterte, pero nanatili ang karahasan ng Memorandum Order 32 (MO32)," wika ni Ariel "Ka Ayik" Casilao ngayong Huwebes, na siyang acting chairperson ng UMA.

"Kaisa ng mga pesante ng Negros ang mga manggagawang agrikultural ng bansa sa dalamhati at galit."

Dagdag ng grupo, wala pang isang taon nang ilagay sa military lockdown ang ilang karatig na bayan sa Himamaylan buhay ng engkwentro ng Mount Cansermon Command ng New people's Army at mga elemento ng 94th Infantry Battalion ng Philippine Army.

Nangangamba tuloy ang mga naturang agri-workers na magsilbing mitsa raw ang Fausto massacre ng isa na namang serye ng pagpatay. Sinasabing hindi bababa sa 21 magsasaka na ang naging biktima ng extra-judicial killings simula nang maupo sa pwesto si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

AFP: Walang batayan ang alegasyon

Mariin namang pinabulaanan ni AFP Spokesperson Col. Medel Aguilar ang paratang ng grupo nina Casilao sa mga kasundaluhan. Gayunpaman, ayaw nilang magbigay ng direktang komento patungkol dito.

"Sorry but I will not waste my time reacting to malicious and unsubstantiated allegations," ani Aguilar sa panayam kanina ng Philstar.com.

Ilang beses nang nagbabala ang pederasyon ng magsasaka tungkol sa peligro ng red-tagging bilang paglabag daw sa freedom of association, lalo na't nagamit na raw sa kasaysayan ang MO32 para pakilusin ang AFP laban sa agricultural workers at paratangan silang may kinalaman sa NPA.

"Nananawagan ang UMA sa Commission on Human Rights na sipatin ang kamay ng militar sa panibagong masaker sa isla, at sa pamahalaan na wakasan na ang MO32," dagdag ni Casilo.

"Hindi pa ba sapat kay Marcos ang dugong dumanak sa tiraniya ng pasistang nauna sa kaniya?"

Una nang binanggit sa complaint ng UMA sa International labor Organization ang Sagay 9 Massacre noong Oktubre 2018 at Negros 14 bilang fatal consequences ng red-tagging sa Negros.

Ang mga nabanggit ay sinasabing bahagi ng 349 pesanteng napatay sa ilalim ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

ARMED FORCES OF THE PHILIPPINES

HIMAMAYLAN

HUMAN RIGHTS

MASSACRE

NEGROS OCCIDENTAL

RED-TAGGING

UNYON NG MGA MANGGAGAWA SA AGRIKULTURA

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with