MANILA, Philippines —Tahasang sinabi ng Philippine Navy na handa silang ipagamit ang kanilang Golf Course sa Taguig para magsilbing evacuation site kung sakaling tumama ang “the big one” o malakas na lindol sa Metro Manila dulot ng pagkilos ng West Valley Fault.
Ang pahayag ay ginawa ni PN Vice Commander, RAdm. Caesar Bernard Valencia matapos ang matagumpay na pagsasanay sa lugar ng Philippine Navy kahapon, na bahagi ng 2nd Quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill.
Paliwanag ni Valencia, ang Philippine Navy golf course ay hindi lang pasilidad para sa morale at welfare ng kanilang mga tauhan, kundi isang malawak na espasyo na kayang maka-accommodate ng hanggang 70,000 evacuees kung kakailanganin.
Ito ang lugar kung saan maaring magtipon ang mga responder kung mangyari ang malakas na lindol sa Metro Manila.
Kailangan na handa ang lahat ng sangay ng pamahalaan at handa sa paglalaan ng mga lugar kung saan maaring kupkupin pansamantala ang mga maaapektuhan ng kalamidad.
Dagdag pa ni Valencia, ang PNGC ang designated evacuation site at secondary rally point sa PN Contingency Plan “SAGIP”, kung mangyari ang “the Big One”.