MANILA, Philippines - Itinanggi ni dating pangulo at Pampanga Rep. Gloria Arroyo na naloko o “nauto” siya ng isang kongresista sa pag-aakalang may basbas at suportado umano ni First Lady Liza Araneta-Marcos ang planong kudeta sa Kamara.
Sa kanyang facebook post, humingi naman ng paumanhin ang kongresista dahil nakakaladkad ang Unang Ginang sa tinawag nitong ‘political fantasy of a House coup’ na isang kawalang galang sa First Lady at sa kanyang katalinuhan.
Iginiit naman ni Arroyo na kung sinuman ang nagpapakalat ng maling alingawngaw ay siyang nanloloko sa mga Filipino, at dapat na rin silang mag-move-on sa seryosong usapin para magkaroon ng positibong kontribusyon sa pag-unlad ng bansa.
Aminado naman ang dating pangulo na walang kudeta sa Kamara na nagtatagumpay kung walang basbas ng Pangulo.
Iginiit din ni Arroyo na mayroon siyang kontribusyon sa pagbuo ng UniTeam, ang grupo nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte noong 2022 elections.
“Thus, I would never take any action to destroy it,” sabi pa ng dating Pangulo, na naging Speaker matapos ikudeta si Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez noong 2018.
“Third, I did not have any conversation, here or abroad, with any congressman or congresswoman, or any other politician active or retired, to plot, support, encourage or participate in any way in any alleged House coup,” dagdag pa ng dating Pangulo.
Matatandaang pinalitan si Arroyo bilang senior Deputy Speaker ni Pampanga Rep. Aurelio Gonzales Jr. sa gitna ng balitang kudeta.