MANILA, Philippines — Inatasan ng National Telecommunications Communication (NTC) ang mga telecommunications company na tiyakin ang kahandaan sa pananalasa ng super typhoon Betty.
Sa memorandum ni NTC Commissioner Ella Blanca Lopez, sinabihan ang mga telco na siguruhing may sapat na bilang ng technical o support personnel, standby generators na may extra fuel at spare equipment sa mga lugar na tatamaan ng bagyo.
Iniutos din ng NTC ang mabilis na pagsasagawa ng repair at restoration ng telecommunication services sa mga lugar na maaapektuhan ng bagyo.
Pinagtatalaga rin ng Libreng Tawag at Libreng Charging Stations ang mga telco sakaling may mga lugar na mawalan ng serbisyo ng network at mawalan ng suplay ng kuryente.
Kaugnay nito, kinakailangang magsumite na ang mga telecom company ng status updates sa NTC kada anim na oras ng kanilang restoration activities at timeline ng full restoration.