Sa maapektuhan ng bagyo
MANILA, Philippines — May isang milyong relief items ang inilaan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga lugar na posibleng tamaan ng papasok na bagyong Mawar.
Ito ang iniulat ni DSWD Secretary Rex Gatchalian sa isinagawang inter-agency meeting ng NDRRMC na bahagi ng preparedness measures ng pamahalaan.
Ayon kay Gatchalian, bukod sa family food packs (FFPs) ay mayroon na ring 307,664 non-food items (NFIs) ang naka-posisyon sa strategic locations at warehouses sa iba’t ibang rehiyon pati na sa DSWD National Resource Operations Center (NROC) at Visayas Disaster Resource Center (VDRC).
Alinsunod na rin ito sa direktiba ni Pang. Ferdinand R. Marcos Jr. na masigurong nakahanda na ang augmentation support ng DSWD sa mga LGU na maapektuhan ng super typhoon.
Nagpasalamat naman ang kalihim sa Department of National Defense (DND) sa tulong nito para maihatid ang relief packs sa Batanes na isa sa mga lalawigang tinututukan ng pamahalaan.
Sa ngayon, tuluy-tuloy na ang pakikipag-ugnayan ng DSWD sa mga concerned LGUs upang masiguro ang sapat na tulong na ipagkakaloob sa mga posibleng maapektuhan ng bagyo.