Nagpakilalang 'Bikoy' sa narco-list videos guilty sa pagsisinungaling sa korte

In this May 23, 2019 file photo, the Philippine National Police presents Peter Joemel Advincula, the man claiming to be the "Bikoy" in the "Ang Totoong Narcolist" video series.
The STAR/Michael Varcas, File

MANILA, Philippines — Hinatulang guilty ng Manila Regional Trial Court Branch 17 si Peter Advincula — na noo'y nagpapakilalang si "Bikoy" sa "Ang Totoong Narcolist" videos — sa salang perjury at maaari siyang makulong ng lagpas isang taon.

Enero 2021 pa nang maglabas ng warrant of arrest ang korte laban kay Advincula, matapos niyang iugnay ang ilang miyembro ng Free Legal Assistance Group (FLAG) sa diumano'y planong pagpapatalsik kay dating Pangulong Rodrigo Duterte o "Project Sodoma."

"WHEREFORE, premises considered, the Court finds accused PETER JOEMEL ADVINCULA GUILTY beyond reasonable dounbt of the crime of Perjury in Criminal Case No. M-MNL021-00230-CR," ayon sa kautusang nilagdaan ni presiding judge KKarla Funtila-Abugan, Miyerkules.

"Accordingly, the Court hereby imposes upon him the indeterminate penalty of three (3) months and one (1) day of arresto mayor as minimum, to to one (1) year and one (1) day of prision correccional as maximum."

Tumutukoy ang krimeng perjury sa sadyang pagsisinungaling sa mga testimonya sa korte.

Ang perjury case ni Advincula ay may kinalaman sa sedition complaint na inihain ng pulis laban sa 30 personalidad na may kaugnayan sa oposisyon. Pinangalanan si Advincula bilang suspek at testigo sa parehong complaint.

Kaugnay noon, inireklamo ng pro-bono lawyers ng FLAG na sina Chel Diokno, Theodore Te and Erin Tañada si Advincula dahil sa pagsisinungaling daw ng huli nang iugnay silang tatlo sa diumano'y ouster plot laban sa Duterte.

Sa huli't huli, tanging 11 katao lang ang na-charge para sa conspiracy to commit sedition. Ibinasura ang kaso laban sa marami pang iba kasama na ang lawyers ng FLAG.

Dati nang iprinesenta ng Philippine National Police sa publiko si Advincula at sinabing siya ang "Bikoy" sa video series na nag-uugnay kay Digong at kanyang pamilya sa kalakalan ng iligal na droga.

Show comments