MANILA, Philippines — Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Renewal Agreement para sa Malampaya Service Contract No. 38 (SC 38).
Ginawa ang ceremonial signing kahapon sa Malakanyang.
Nakasaad sa kontrata ang panibagong 15 taon o hanggang 2039 sa patuloy na produksyon ng Malampaya para sa kuryente sa bansa.
Nabatid na ang Malampaya gas field ay nagsu-supply ng 20 porsyento ng power requirement ng Pilipinas.
Bukod sa pagpapatuloy ng mga operasyon sa produksyon, ang SC 38 Consortium ay kinakailangang magsagawa ng minimum na work program na binubuo ng geological at geophysical studies at ang pagbabarena ng hindi bababa sa dalawang deep water well sa panahon ng Sub-Phase 1 mula 2024 hanggang 2029.
Ang nasabing firm work program ay inaasahang magbubukas ng potensiyal sa kasalukuyang gas field at mga karatig na prospect areas.
Ayon sa Department of Energy, ang pagtuklas ng mga karagdagang reserba sa Malampaya gas field ay magpapalakas sa paghahanap ng bansa para sa seguridad ng enerhiya.
“As we renew Service Contract (SC) 38, we optimistically look forward to the continued production and utilization of the remaining reserves of the Malampaya gas field, as well as further exploration and development of its untapped potential,” ani Marcos.
Ang Malampaya Deep Water Gas-to-Power Project ay gumagamit ng state-of-the-technology para kumuha ng natural gas at condensate mula sa kailaliman ng Palawan basin.