MANILA, Philippines — Nakipagpulong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay Charles III sa Buckingham Palace bago ang coronation ng British monarch.
Ibinahagi ng British Embassy sa Manila ang larawan nina Marcos at King Charles noong Biyernes ng gabi (UK time) sa isang reception para sa mga world leaders sa Buckingham Palace kung saan nakikipagkamay ang dalawang lider.
Ang Buckingham Palace Reception ay ginanap para sa mga lider ng mga Estado at iba pang bumibisitang mga dignitaries na kabilang sa 2,200 inimbitahan sa koronasyon ni King Charles.
Nauna nang sinabi ni Marcos Jr. na nagpasya siyang dumalo sa koronasyon dahil personal na kilala ng kanilang pamilya ang monarko sa loob ng maraming taon.
Nauna nang sinabi ni Philippine Ambassador to the United Kingdom Teddy Locsin Jr. na naglalaro ng polo sina King Charles at Marcos Jr. bago naluklok sa posisyon noong nakaraang taon matapos ang pagkamatay ng kanyang ina na si Queen Elizabeth II.
Ayon sa ulat, si Marcos Jr. ay unang ipinakilala sa royal family noong bata pa siya noong 1970, nang dalhin siya ng kanyang ina upang makipag-courtesy call kay Queen Elizabeth.