0MANILA, Philippines — Muling umapela si Senate committee on health and demography chair, Senator Christopher “Bong” Go sa mga kinauukulang ahensya na ibigay na sa mga healthcare workers ang kanilang mga allowance.
Ginawa ng senador ang panawagan kasunod ng ulat na humigit-kumulang 20,000 pribadong HCWs ang hindi pa nakatatanggap ng kanilang COVID-19 allowance.
“Nananawagan po ako sa ating Department of Budget and Management at sa ating Department of Health. As chair po ng committee on health sa Senado, legislator po ako, mambabatas. Kami po ang nag-aaprub ng budget pero ang nagpapatupad nito ay ang ating Executive Department,” ipinunto ni Go sa isang ambush interview matapos niyang personal na tulungan ang mga mahihirap sa San Jose de Buenavista, Antique nitong Martes.
Idiniin ni Go na ang dapat ipagkaloob na allowances sa HCWs ay napakaliit lamang kumpara sa napakalaking sakripisyo ng mga nasabing frontliners.
“Bigyan po natin ng importansya ang ating frontliners. Sila po ang nagsakripisyo sa panahon ng pandemya. Hindi po natin mararating ito kung hindi po sa ating frontliners. Dapat po ay bayaran kaagad. What is due to them, bayaran kaagad,” giit ng senador.
Ibinunyag ng United Private Hospital Unions of the Philippines (UPHUP) na 20,304 healthcare workers na nag-duty sa mga pribadong ospital sa panahon ng pandemya ang hindi pa nakatatanggap ng kanilang mandatong COVID-19 benefits at allowances na nagkakahalagang P1.94 bilyon mula Oktubre 2021 pataas.
Idinagdag niya na ang gobyerno ay nagkaroon ng P1,840,742,500 atraso para sa isang COVID-19 allowance (OCA);special risk allowance (SRA); health emergency allowance (HEA); and meals, accommodation, and transportation (MAT) benefits para sa HCWs.
“Alam n’yo, nu’ng umpisa pa lang ng pandemya, nagsalita talaga ako sa Senado dahil mayroon pong namatay (na HCW), it took them two months po bago ihatid ang kanilang tseke. Alam mo, kapag may namamatay na health worker, ‘wag n’yo nang pahirapan sa requirement, dapat ihatid ang tseke sa pamamahay dahil nagluluksa pa ang mga ‘yan.”
Alinsunod sa pagsisikap ng pamahalaan na isulong ang interes at kapakanan ng mga manggagawa sa pangangalagang pangkalusugan, ang RA 11712 na itinaguyod ni Sen. Go ay nagbibigay ng mandatoryong benepisyo at allowance sa mga pampubliko at pribadong HCWs sa panahon ng pandemya o iba public health emergency.0