MANILA, Philippines — Siniguro ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na higit pa siyang magsusumikap sa pagtatrabaho upang makabuo ng mga batas na makatutulong para sa mga mamamayang Pilipino.
Ang pahayag ay ginawa ni Speaker Romualdez matapos sumirit pa ng 15 points ang satisfaction rating ng mga tao sa kanya.
Sa pinakahuling Tugon ng Masa survey ng OCTA Research group nitong Marso, nasa 59 percent na ang satisfaction rating ni Speaker Romualdez, habang lumundag ng 17 percent ang tiwala ng mamamayan sa kanya na nasa 55 percent na ngayon.
“Dodoblehin pa natin ang pagtrabaho sa pamamagitan ng paggawa ng mga batas na makakabuti sa pamumuhay ng bawat Pilipino lalo na ang mga mahihirap,” pagtiyak pa ng mambabatas mula sa Leyte.
“Marami pang batas ang dapat naming gawin sa kongreso para guminhawa ang buhay ng mga Pinoy tulad ng sa trabaho, income, healthcare, edukasyon, pabahay, presyo ng bilihin, at iba pa”, ayon kay Romualdez.
Aniya, “maraming-maraming salamat sa inyong suporta. Pangako ko po na hindi ko po kayo bibiguin sa inyong tiwala. Lalo ko pa paiigtingin ang aking paglilingkod”.
Nagpasalamat din ang hepe ng kongreso sa mga kasamahan sa pagpasa ng mga panukalang batas na kailangang-kailangan ng bansa lalo na ang national budget.
Asahan anya ng sambayanan na tutulong siya sa mga proyekto at programa ni Pangulong Marcos para tuluyan ng makaahon ang bansa mula sa pagkalugmok dahil sa pandemya.