MANILA, Philippines — Naging tradisyon na ng ilang mga biyahero o bakasyunista na magdala ng mga karne ng baboy, manok at ilang prutas na isinasampa nila sa barko.
Pero ngayon, hindi na nila ito pwedeng gawin matapos magpa-abiso ang Philippine Ports Authority (PPA) sa mga biyahero na mahigpit na ipinagbabawal ang mga karne ng baboy at manok dahil sa banta ng ‘swine flu’ at ‘bird flu’ maging ilang mga prutas dahil sa mga sakit pang-agrikultura sa ilang mga piling pantalan sa bansa.
Bawal ang pagdadala ng karne ng baboy at maging mga pork products sa Mindoro, Marinduque, Cebu, Negros Oriental, Negros Occidental, Bacolod, Bohol, Ormoc, Camiguin, Zamboanga, Isabela at iba pang lugar sa Pilipinas.
Inabisuhan ng PPA ang mga biyahero na huwag mabibigla kung kukumpiskahin ang mga ito sa mga pantalan.
Ipinagbabawal din ang pagdadala ng karne ng manok sa Masbate, Iloilo, Bacolod, Bohol at Cebu.
Mahigpit ding ipinagbabawal ang paglalabas ng mangga at buto nito mula sa Puerto Princesa, Palawan dahil sa hindi pa ito ligtas sa pesteng ‘mango pulp weevil’.
Samantala, kasama rin sa kinukumpiska sa ilang pantalan sa bansa ang mga seashells, wildlife animals, at hindi dokumentadong prutas at halaman bilang pagsunod sa mga alituntuning ipinatutupad ng iba’t ibang ahensya at lokal na pamahalaan.