MANILA, Philippines — Gustong tapusin ng isang senador ang "matagal nang diskriminasyon" ng kapulisan laban sa mga motorcycle riders na "kinokotongan at hinaharas" lang daw sa mga checkpoints.
Sa Senate Bill 1977 ni Sen. Raffy Tulfo, sinabi ng mambabatas na kaliwa't kanan ang mahahabang pila ng motorsiklo habang iniinspeksyon at hinihingian ng kung anu-ano habang "lusot ang lahat ng four-wheel vehicles" gaya ng kotse.
"Sa checkpoint na ito, ang mga sakay ng mga motorsiklo ay kinakapkapan, pinabubuksan ang compartment at hinahanapan ng kung anu-anong dokumento. Dagdag niya, kung minsan pa ay pinaplantahan ng ebidensya ang bulsa o compartment ng mga riders para mas malaking pera ang maisusuka nila," ayon sa kanyang pahayag, Huwebes.
"[K]apag naplantahan na ng ebidensya ang rider at wala siyang pang-areglo, sa kalaboso ang bagsak niya."
Ipinatutupad ang "Oplan Sita" sa mga kalsada nitong mga nagdaang taon, na siyang nagbibigay otoridad sa mga pulis na pahintuin at kwestyonin sa kalsada ang mga nagmomotor sa ngalan ng "paglaban sa kriminalidad." Sa gitna nito, ikinagagalit ito ng ilan dahil sa pagtutok lamang nito sa mga motor.
Ika-26 lang ng Pebrero nang sabihin ni Sen. JV Ejercito na optimistiko siyang maaamyendahan ang Motorcycle Crime Prevention Act, na siyang discriminatory raw sa mga riders na pinarurusahan sa tuwing mabibigong i-transfer ang rehistro ng kanilang unit limang araw matapos bilhin ang sasakyan.
Isa si Ejercito sa sumuporta sa pagpapapasa ng batas, bagay na kanyang ihiningi rin ng tawad noong 2019.
"Sa ilalim ng SB No. 1977... kailangang ipatupad ang guidelines na pantay-pantay para sa lahat ng two at four wheels vehicles para maiwasan ang diskriminasyon laban sa mga motorcycle riders," dagdag ng pahayag ni Tulfo.
"Dito, kailangang sundin ang plain view doctrine kapag magi-inspect ng mga sasakyan at motorsiklo kaya hindi maaaring utusan ng pulisya ang mga driver na lumabas sa kanilang sasakyan o bumaba sa motorsiklo, nang walang pahintulot nila."
"[A]ng tanging oras na pwede ang mga pulis na magpatuloy sa pagpapatupad ng 'stop and frisk' operation ay kung mayroon silang reasonable suspicion na may nagawang krimen ang driver na nasa checkpoint."
Sa halip, iminumungkahi ng senador na nagbabantay sa mga checkpoint na hilingin na lang tignan ang lisensya at rehistro ng operator ng sasakyan kung may nakita silang paglabag sa trapiko gaya ng nasurang ilaw, kawalan ng plaka at hindi pagsusuot ng helmet. — James Relativo