Oil spill umabot na sa Palawan
MANILA, Philippines — Kinumpirma kahapon ng Philippine Coast Guard (PCG) na umabot na sa lalawigan ng Palawan ang epekto ng oil spill dulot ng paglubog ng oil tanker na MT Princess Empress sa Naujan, Oriental Mindoro.
Ayon sa PCG, namataan na sa baybayin ng karagatan ng Barangay Casian sa Taytay, Palawan ang oil spill. Iniulat ito ni Barangay Captain Norbert Lim.
Agad namang umaksyon ang PCG na nagpadala ng tauhan sa naturang barangay habang nagtungo na rin ang mga opisyal ng Municipal Social Welfare and Development Office ng Taytay sa apektadong lugar.
Humigit-kumulang 159 nautical miles o 295 kilometro ang layo ng Brgy. Casian, Taytay, Palawan sa katubigan ng Naujan, Oriental Mindoro.
Nang makumpirma ito, agad na sinimulan ng PCG ang assessment at paglilinis para maitaguyod ang kaligtasan ng mga residente.
Noong Pebrero 28 nang lumubog ang barko sa karagatan ng bayan ng Naujan habang may kargang 800,000 litro ng industrial oil.
Nagpaplano ngayon ang mga lokal na opisyal ng Oriental Mindoro partikular na ang bayan ng Pola na magsampa ng kaso laban sa may-ari ng barko dahil sa pinsalang idinulot nito sa kalikasan at maging sa kabuhayan at kalusugan ng mga residente.
Nabatid naman sa Maritime Industry Authority (MARINA) na naka-insure ang barko sa halagang $1 bilyon, na dapat na umanong i-claim ng may-ari nito na RDC Reield Marine Services (RDC) upang makatulong sa pagresponde sa insidente at pag-ako sa kanilang responsibilidad.
- Latest