MANILA, Philippines — Dumalo si Senator Christopher “Bong” Go sa paglulunsad ng ika-156 Malasakit Center sa Ospital ng Lungsod ng San Jose del Monte (OLSJDM) sa San Jose del Monte City, Bulacan kamakalawa.
Sinabi ni Go na bilang tagapangulo ng Senate committee on health, ang kanyang adbokasiya sa kalusugan ay nananatiling isa sa kanyang prayoridad sa pagsasabing ang programa ng Malasakit Centers ay isang mahalagang aspeto ng pangangalaga sa kalusugan ng publiko, na nagbibigay ng maginhawa at mabilis na access sa mga Pilipino na nangangailangan ng tulong medikal.
“Bakit natin papahirapan ang mga kapwa natin Pilipino? Pera naman po ninyo ‘yan, dapat po ibalik sa inyo sa pamamagitan ng mabilis na serbisyo. ‘Yan po ang Malasakit Center,” sabi ni Go.
Ang konsepto ng Malasakit Centers ay nagmula sa mga karanasan ni Go noong si dating Pangulong Rodrigo Duterte ay alkalde pa ng Davao City. At sa kanyang mga pagbisita sa iba’t ibang ospital at institusyong medikal sa buong bansa, nakita niya kung paano nahirapan ang mga pasyente, lalo na ang mga nagmula sa mga mahihirap na pamilya, upang bayaran ang kanilang gastusin sa pagpapagamot.
Kaya naman iminungkahi niya ang pagtatayo ng Malasakit Centers bilang isang paraan upang mapabilis ang paghahatid ng tulong medikal at upang makatulong sa pagpapagaan ng pasanin ng mga Pilipinong nangangailangan ng medikal na paggamot.