Tertiary education subsidy, palawakin - Bong Go

MANILA, Philippines — Suportado ni Senator Christopher “Bong” Go ang Senate Bill No. 1360 na naglalayong palawakin ang saklaw ng tertiary education subsidy (TES) sa pamamagitan ng pag-amyenda sa Republic Act No. 10931 o Universal Access To Quality Tertiary Education Act.

Ang panukalang batas ay pangunahing iniakda ni Senador Ramon Revilla Jr.

Sa kanyang co-sponsorship speech, binanggit ni Go na ang umiiral na batas, na ipinasa noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, ay nagbibigay ng libreng edukasyon sa lahat ng Pilipino, lalo sa mga hindi kayang magbayad para sa mas mataas na edukasyon.

“Last year, an estimated 1.6 million poor Filipino students are in school without the need to pay for tuition and miscellaneous fees because of this beneficial act,” ani Go.

Bagama’t kinikilala ni Go ang tagumpay ng batas na ito, binigyang-diin niya ang pangangailangang ito’y palawakin at gawing mas inklusibo para sa mga estudyanteng may kakayahan sa akademya na gustong mag-aral sa mga pribadong institusyon.

“Sa dami na ng ating natulungan dahil sa batas na ito, hindi tayo dapat tumigil. Kung maaari, i-expand pa natin at gawin nating mas inklusibo sa mga academically competent students na nais mag-aral sa mga pribadong institusyon,” ani Go.

Naniniwala ang senador na ito ay magbibigay sa mga kwalipikadong estudyanteng Filipino ng mas maraming opsyon at pagkakataon para ituloy ang kanilang gustong kurso sa mga institusyong pinakaangkop sa kanilang mga pangangailangan.

Iginiit ni Go na ang pagpapalawak ng TES ay pakikinabangan sa kabuuan ng bansa. Sa pamamagitan ng pagtiyak na mas maraming mag-aaral ang makaka-access sa mataas na edukasyon, ang bansa ay makagagawa ng mas sanay at edukadong manggagawa, na maaaring mapalakas ang paglago at pag-unlad ng ekonomiya.

Show comments