3 Pinay 'nawawala' matapos magnitude 7.8 earthquake sa Turkey— grupo

This aerial view shows residents searching for victims and survivors amidst the rubble of collapsed buildings following an earthquake in the village of Besnia near the town of Harim, in Syria's rebel-held noryhwestern Idlib province on the border with Turkey, on February 6, 2022. Hundreds have been reportedly killed in north Syria after a 7.8-magnitude earthquake that originated in Turkey and was felt across neighbouring countries.

MANILA, Philippines — Hinahagilap sa ngayon ang tatlong Pilipino matapos yanigin ng 7.8 magnitude na lindol ang bansang Turkey — isang lugar na may 4,006 Pinoy — ayon sa isang community leader nitong Miyerkules.

Ngayong linggo (Lunes, Manila time) lang nang tumama ang nasabing lindol na kumitil na sa buhay ng di bababa sa 7,800 katao sa Turkey at Syria.

"Unfortunately may tatlong Pilipinang missing doon sa Hatay, isa sa mga 11 provinces na affected ng 2 lindol na naganap dito sa amin," wika ni Weng Timoteo, bise presidente ng Filipino Community in Turkey sa ulat ng ABS-CBN News.

"Unfortunately kasama doon sa tatlong Pilipina, meron ding tatlong bata."

Bagama't ipinagpapalagay na raw ng ilan na patay na ang isa sa mga Pinay, ipinagdarasal pa rin naman daw nila ng kanilang mga kasamahan na sana'y buhay pa ang mga nabanggit.

Napakahirap din daw ng komunikasyon ngayon sa Turkey matapos ang naturang insidente. Isa sa mga tinawagan niya ay 20 hanggang 30 beses pa kailangang kontakin para lang makausap ng dalawa hanggang tatlong minuto bago maputol ang tawag.

"'Yung Pilipinang kausap ko ngayon lang, sinabi niya na gumuho talaga yung bahay nung kaibigan niya doon na may tatlong anak," banggit pa niya.

"Tapos meron pang 2 Pilipina na this morning pa namin hinahanap kasi apparently, yung isa sa mga Pilipina na yun, sinabi nung amo na namatay na raw. Pero hindi pa namin naco-confirm."

Ginagawa naman na raw ng Turkish government ang lahat ngunit sadyang may mga lugar na hindi maabot ng search and rescue teams. Nagsiguhuan din daw ang ilang mga ospital doon.

248 Pinoys kinokontak ng gobyerno

Kahapon lang nang sabihin ng Philippine Embassy sa Turkey na sinusubukan na nilang hanapin ang mahigit 200 Pinoy sa mga apektadong lugar doon upang matiyak ang kanilang kaligtasan.

"The Philippine Ambassador [Maria Elena Algabre], with her team, has spent the crucial first day directly contacting as many of the 248 recorded Filipinos as possible in affected areas, including Gaziantep, Hatay, Adana, Mersin and Sanliurea," wika ng embahada.

"The Embassy immediately set up its crisis command center to coordinate its actions with the Filipino community leaders in the affected provinces and Turkish authorities."

Aniya, nakakatanggap na sila ng mga kumpirmado at hindi pa kumpirmadong ulat ng mga Pinoy na nakararanas ng iba't ibang antas ng distress.

Kasalukuyan naman na raw pinoproseso ng Department of Foreign Affairs ang pagpapadala ng tulong.

"The Embassy continues to closely monitor government regulations to ascertain the most effective method to provide assistance to our kababayan in the area," dagdag pa ng tanggapan.

"The Embassy reiterates its readiness to assist Filipinos affected by the earthquake and may be reached via telephone and Whatsapp (+90553457772344), via email at ankara.pe@DFA.gov.ph, and Facebook at www.facebook.com/PHinTurkey."

Pilipinas magpapadala ng rescue teams

Una nang sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magpapadala ang bansa ng 86-member team sa Turkey upang tumulong sa paghahanap ng mga survivors at pagbibigay ng ayuda.

Nangangalap din ngayon ang bansa ng mga kumot, damit panglamig atbp. lalo na't nasira ang mga bahay doon sa gitna ng nyebe.

Manggagaling ang contigent mula sa Office of Civil Defense, Department of Health, Philippine Army, Philippine Air Force, Metro Manila Development Authority atbp.

"We will send engineers, health workers and of course the goods that we feel that they will need," dagdag pa ng presidente.

"The Philippines is ready to help in whatever way it can in responding to this disaster."

Show comments