Tiwali? Pilipinas ika-116 ranggo uli sa 2022 Corruption Perception Index

Pastillas were placed on the chairs of the Immigration officials summoned by President Rodrigo Roa Duterte at the Malacañang Palace on November 9, 2020.
Presidential photo/Arcel Valderrama

MANILA, Philippines — Muling nakakuha ng score na 33 out of 100 ang gobyerno ng Pilipinas sa 2022 Corruption Perception Index ng Transparency International, bagay na sumusukat sa katiwalian sa isang bansa batay sa pananaw ng mga eksperto't negosyante.

Ito ang isinapubliko ng grupo, Martes (oras sa Pilipinas), kung saan lumabas na 95% ng mga bansa sa mundo'y kaonti o halos walang pag-asenso pagdating sa nakikitang korapsyon.

"The 2022 Corruption Perceptions Index (CPI) shows that most countries are failing to stop corruption," wika ng Transparency International, isang global movement na layong tapusin ang kawalan ng katarungan at ang katiwalian sa buong daigdig.

"The CPI ranks 180 countries and territories around the world by their perceived levels of public sector corruption, scoring on a scale of 0 (highly corrupt) to 100 (very clean)."

Ikalawang sunod na taon nang nakakukuha ng CPI score na 33 ang Pilipinas, walang pinagkaiba sa nakuha nito noong 2021. Pang-116 tuloy ang ranggo ng Pilipinas mula sa 180 bansang sinukat ng naturang index. 

Kapantay ng Pilipinas ang mga bansa gaya ng Algeria, Angola, El Salvador, Mongolia, Ukraine at Zambia.

Halos hindi raw nagbago ang CPI global average sa "43 out of 100," ito habang lumalabas na dalawa sa tatlong bansa ang nakakuha ng 50 puntos pababa. Nasa 26 sa mga nasabing bansa ang nakakuha ng pinakamababa nitong scores sa kasaysayan.

Nasa tuktok ng listahan ng nakikitang "pinakamalinis" na gobyerno ang Denmark, na siyang nakakuha ng CPI score na 90. Sa kabilang banda, pinakamalala naman daw diumano'y tiwaling bansa ang Somalia na nakakuha lang ng 12.

"Despite concerted efforts and hard-won gains by some, 155 countries have made no significant progress against corruption or have declined since 2012," dagdag pa nila.

"Even countries with high CPI scores play a role in the threats that corruption poses to global security. For decades, they have welcomed dirty money from abroad, allowing kleptocrats to increase their wealth, power and destructive geopolitical ambitions." 

Ayon kay Daniel Eriksson, chief executive officer ng Transparency International, na dapat palawakin ng mga gobyerno ang kani-kanilang mga espasyo upang maisama ang lahat sa pagpapasya: kabilang diyan ang mga aktibista, negosyante at kabataan.

Giit pa ni Eriksson, isa sa mga katangian ng isang demokratikong lipunan ang kakayahan ng taumbayang magsalita upang mas madaling masapul ang korapsyon habang itinutulak ang isang mas ligtas na mundo para sa lahat. 

Nangyayari ang lahat ng ito ngayong pinayagan ng International Criminal Court ang muling pagbubukas ng imbestigasyon sa human rights violations ng Pilipinas, partikular na ang madugong "war on drugs" ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. — James Relativo

Show comments