8 ‘presidential appointees’ nabiktima
MANILA, Philippines — Pinayuhan ng Malakanyang ang publiko na mag-ingat at huwag maniwala sa mga nag-aalok ng pwesto sa gobyerno.
Ang paalala ay ginawa ng Palasyo matapos na walong umano’y ‘presidential appointees’ na biktima ng “cash-for-hire scam” ang nagtungo sa Malakanyang noong Biyernes dahil sa paniwalang nakatakda ang kanilang oath-taking.
Ayon sa mga biktima, nakatanggap sila ng abiso mula sa isang umano’y Undersecretary Eduardo Diokno at Assistant Secretary Johnson See mula sa Office of the Executive Secretary at ipinagbibigay alam na mayroon silang oathtaking ceremony kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ang sinasabing posisyon ayon sa Malakanyang ay ambassadorial post sa Netherlands; Transportation Assistant Secretary, Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority board member, Clark International Airport Corporation president and chief executive officer, Early Childhood Care and Development Council executive director and vice chairperson, Clark Development Corp. director and Port of Batangas manager.
Subalit wala umanong schedule na oath-taking noong Biyernes para sa ‘appointees kaya dito nadiskubre na mga biktima sila ng panloloko, ayon kay Senior Deputy Executive Secretary Hubert Guevarra.
Natanggap umano ng mga biktima ang kanilang fake appointment papers at invitations matapos na magbayad ng malaking halaga ng pera kapalit ng available position.
Sinabi umano ng mga biktima na nagduda na sila sa pagiging tunay ng appointments at oath-taking dahil sa ilang inconsistencies sa impormasyon subalit tumuloy pa rin sila sa Malakanyang.