Marcos Jr. hinamon: 'Hindi makatulog' dahil sa inflation? Mag-resign sa DA
MANILA, Philippines — Hinahamon ng ilang magsasaka si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na iwan na ang pwesto bilang acting secretary ng Department of Agriculture sa gitna ng 8.1% inflation rate at sa halip, magtalaga ng "full-time," "competent" at "pro-farmer" na kalihim.
Lunes kasi nang sabihin ni Bongbong na ang mabilis na pagtaas ng presyo ng bilihin — ang pinakamalala sa 14 taon — ang problemang "hindi nagpapatulog sa kanya," ito kasabay ng pagdami ng nagugutom na pamilya sa 3 milyon.
"Para sa mga magsasaka, bangungot si Bongbong Marcos Jr. at ang kawalan niya ng silbi sa DA. Let us wake up from this nightmare. Mr. President, please leave the agriculture secretary portfolio," wika ni Kilusang Magbubukid ng Pilipinas chairperson Danilo Ramos, Martes.
"Iisa lang ang pokus niya — ang pagbibiyahe para makakuha daw ng foreign investments. Panahon na para umalis si Marcos Jr. sa DA at magtalaga ang bagong agriculture Secretary na totoong makikinig sa hinaing ng mga magsasaka."
Una nang sinabi ng Philippine Statistics Authority na ang pagtaas ng presyo ng pagkain ang primaryang nagtutulak ng pagsipa ng inflation rate, kung kaya't umabot pa nga sa P720/kilo ang presyo ng sibuyas noong Disyembre.
Ito ang isa sa mga dahilan, pati na ang diumano'y problema sa suplay, kung bakit ikinakasa ngayon ng DA ang importasyon ng dayuhang sibuyas sa bansa. Ito ay kahit nagsimula na ang panahon ng anihan nito sa Pilipinas.
Hunyo 2022 lang nang ianunsyong pamumunuan ng noo'y bagong upong presidente ang DA upang tutukan ang krisis sa pagkain.
'2% inflation sa 2024'
Lunes lang nang sabihin ni Bangko Sentral ng Pilipinas Governor Felipe Medalla na inaasahan nilang sumadsad pa nang mas mababa sa 4% ang inflation rate sa ikatlong kwarto ng 2023, at sa 2% sa unang yugto ng 2024.
"We expect to be very successful in bringing down inflation," ani Medalla.
Tinitignan na rin ngayon nina Medalla ang karagdagang interest hikes sa unang dalawang policy meetings ng central bank ngayong taon bilang bahagi ng pagsusumikap na bumalik sa 2%-4% target range ang inflation rate.
"Determinado" naman daw ang presidenteng ibaba ang inflation sa unang kwatro ng 2023 sa pag-asang magnonormalisa na ito matapos noon.
- Latest