MANILA, Philippines — Umabot na sa 1.1 milyon ang mga bagong botante na nagparehistro, siyam na araw bago ang pagtatapos ng voter’s registration ng Commission on Elections (Comelec) para sa 2023 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Oktubre.
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, naitala ang naturang datos simula Disyembre 12, 2022, kung kailan sinimulan ang voter registration.
Sa naturang bilang, tinatayang nasa 7,000 voter registration applications ang naiproseso sa ilalim ng kanilang Register Anywhere Project (RAP), habang ang iba pa ang nagpatala naman sa ilalim ng regular na rehistruhan.
May inisyal na target ang Comelec na 1.5 milyon na magpaparehistro at madaragdag sa kabuuang bilang ng mga botante.
Kaugnay nito, muli namang hinikayat ni Garcia ang publiko na samantalahin ang mga natitira pang araw ng voter registration upang makapagparehistro at makaboto sa nalalapit na eleksiyon.
Ang regular na voter registration ay nakatakdang magtapos sa Enero 31 habang ang RAP naman ay sa Enero 25, 2023.