‘Register Anywhere’ ng Comelec, pinalawak pa

MANILA, Philippines — Mas pinalawak pa ng Commission on Elections (Comelec) ang kanilang ‘Register Anywhere Project (RAP)’ na inilunsad sa ilang piling shopping malls sa Metro Manila, Bicol Region at sa Central Visayas.

Mag-uumpisa nang tumanggap ang RAP ng mga aplikasyon ng mga ‘overseas voters’ na mu­ling bumabalik at titira sa Pilipinas, mga residente ng siyudad o distrito kung saan nakatayo ang RAP, at mga senior citizens o persons with disabilities na mga bago pa lamang magpaparehistro o ia-update ang kanilang mga rekord.

Samantala, ang RAP site na nasa SM Southmall sa Las Piñas City ay inilipat na sa SM Sucat sa Parañaque City umpisa nitong Sabado.

Tumatanggap na rin ang RAP ng mga apli­kasyon mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon tuwing weekend hanggang Enero 20 hanggang 21, habang ang pagpaparehistro sa mga Comelec officers sa buong bansa ay patuloy hanggang Enero 31.

Una nang inamin ng mga opisyal ng Comelec na mababa ang resulta ng voters registration dahil sa posibleng naghihintay na naman ang mga kuwalipikadong indibidwal ng mga huling araw ng rehistrasyon.

Umaasa ang Comelec na makakapagdagdag ng mula 1.5 hanggang 2 milyong bagong botante na maaaring makaboto sa darating na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa Oktubre 30.

Show comments